Thursday, July 26, 2007

dyip


8 a.m. na ako nakaalis ng bahay kaya nagmamadali na ako papuntang office. Ma-traffic kasi sa bandang Central (Tandang Sora) at jeep pa ang sinasakyan ko, kaya inaasahan ko na ang isang oras na biyahe. Dalawang jeep ang sasakyan ko papasok ng office. Yung una, jeep mula sa terminal ng aming community hanggang sa COA. Pagbaba ng COA'y tatawid ka sa pedestrian lane para makarating sa kabilang side ng high way. Delta/Hi-way/MRT ang sasakyan ko, o kaya ay kahit anong jeep bound to Quezon Avenue. Tuwing pumapasok naman ako sa school, FX lagi ang sinasakyan ko pero dahil mahirap makahanap ng FX kapag ganoong oras ay jeep na lang ang pinili ko kung papasok sa office.

Pagkatawid ko mula sa kabilang kabilang bahagi ng high way naghanap kaagad ako ng jeep na may karatulang "Delta/Hi-way/MRT". Puro biyaheng Cubao ang nakita ko, kaya nang makakita ako ng karatulang "Hi-way" ay agad akong sumakay. Wala pang lamang pasahero ang jeep, kaya pinili kong sa harapan umupo. Nagbayad na rin ako pagkaupo ko. Sa konting pag-usad ng jeep ay may sumakay naman na lalaki, dun din sa harapan at tabi kami. Nagbayad din siya kaagad at sinabing "Eto, high way ohh..". Ilang saglit lang ay nagtanong yung lalaki ng "Liliko (magyu-u-turn) ba to?". Sumagot yung driver, na medyo may katandaan na, "Kakanan ako ah..". Pagkasabi niyang yun ay sinabi ng lalaki na bababa na lang daw siya, kaya binalik din yung bayad niya. Biglang sumagi sa isip ko na 'high way lang pala 'tong jeep na 'to, kung dun ako bababa ay malayo pa ang lalakarin ko, siguradong male-late na 'ko niyan..'. Labag man sa aking kalooban ay tinanong ko si manong driver, "Magha-hi-top po ba kayo?" (Tinanong ko pa rin 'to kahit alam ko na ang sagot). "Bababa na lang rin po ako". Alam kong nainis yung driver, kasi wala na nga siyang makuhang pasahero (sa dami ba naman ng bumibiyaheng jeep) ay bumaba pa kaming dalawa na siguro'y buena mano niyang mga pasahero. May sinabi siya, "Alam mo nang...blah blah..". Nakonsensya tuloy ako sa ginawa ko, pero kung nanatili ako do'n ay male-late lang ako. Sinoli niya rin yung binayad kong 12 pesos. Nag-sorry ako pagkababa ko ng jeep, kahit alam kong pabulong lang 'yon at hindi niya narinig.


Isa lang si manong driver sa libu-libong Filipino jeepney drivers na araw-araw ay nakikipagsapalaran sa mga kakalsadahan para kumita at may maipangsiksik sa gutom na mga sikmura ng kanyang pamilya. Kung iisipin mo ang gastos mula sa gasolina hanggang sa boundary, ay napakaliit lang ng kinikita ng isang jeepney driver sa loob ng isang araw. Sa isang panayam noong 2003 sa pangulo ng PISTON, isang major organization ng drivers at operators, ang daily gross income raw ng isang jeepney driver ay Php1,200, samantalang ang gastos nila para sa diesel ay umaabot ng Php540 sa isang araw. Bawasan mo pa ng Php500 bilang boundary fee, at ang matitira na lang ay Php160 - hindi sapat(28.83% lang) sa pangangailangan na Php555 kada araw ng average Filipino family para makaraos sa pang-araw-araw, ayon na rin sa pag-aaral na isinagawa ng Ibon Foundation.


Ang mga datos na 'yan ay naitala apat na taon na ang nakalilipas. Nagtaas na ang minimum fare mula 4 pesos hanggang 5 pesos hanggang 7.50 pesos at ngayo'y rollback sa pamasahe na 7 pesos. Pero makabawi man ang mga driver sa mas mataas na singil sa pamasahe ay lugi pa rin sila dahil nagtaas na rin ang langis. Nagtaas na rin ang ibang pang mga pangunahing produkto na kailangan ng pamilyang Pilipino.

"Hari ng Kalsada" mang maituturing ang mga jeepney drivers ay alipin naman sila ng kahirapan ng lipunan. Isang lipunang laganap ang mga gutom ang sikmura pero patuloy sa pagkayod para sa kaunting halaga.







Facebook Comments

blog comments powered by Disqus