Thursday, July 12, 2007

Maasim na pagtanggap sa pagkaing Pinoy

Kilala ang Pilipinas bilang mga hospitable na mamamayan. Kilala rin tayo sa husay sa pag-perform at pagbibigay-kasiyahan sa mga tao. Kilala tayo sa buong mundo bilang mga mamamayan ng walang-kasawaan at walang katapusang SMS (text message). Kilala tayo bilang mga domestic helpers, nurses, katulong, at factory workers.

Pero kung paasiman sa pagkain ang pag-uusapan, hindi tayo masyadong nabibigyang-pansin. Saan ka nakakita ng mga international at foreign-class restaurants na ang ino-offer ay adobo, bagoong, kilawin, at atsara? Marahil sa iilang kainan oo, pero ayon na rin kay Sara Dickerman, isang American restaurant cook, sa America daw, hindi masyadong kilala ang mga pagkaing Pilipino, maliban na lang doon sa mga Filipino communities.

Sa pagbisita ko sa iba't ibang lugar sa Internet nakita ko ang article na pinamagatang A World of Sours ni Dickerman sa chow.com. Tungkol ito sa isang cookbook titled Memories of Philippine Kitchens ng mag-asawang Pinoy na sina Romy Dorotan at Amy Besa, na siya ring may-ari ng Cendrillon restaurant sa New York. Isinaysay ni Dickerman ang pagkaing Pinoy bilang isang pagkaing masarap lutuin sa bahay at pagkaing mas pinalasa ng ilang dekada at daan-taong pananakop ng dayuhan, kabilang na ang US. Mula sa lasa, paraan ng pagluluto, mga sangkap na ginagamit, at ilang mga pandagdag sa lasa ay buhat ng impluwensya ng mga Spanish, Japanese, Chinese, at Americans. Isinama rin ng author ang mga sikat na pagkain kada rehiyon. Halimbawa na lang, sa Ilocos, ay popular ang bagoong minamon na hinahalo sa pinakbet. Nandun din ang description ng itlog na pula na kapares ay kamatis, ang sarili nating version ng longganisa, sausage, at recipe ni Dorotan about sa isdang tinatawag na Pompano.

Sa libro nina Dorotan at Besa nalaman ni Dickerman na hindi lamang nagbibigay ng description ang mag-asawang cook kung pano ihanda ang pagkain, o kung paano ito lutuin. Binibisita rin nila ang mga lugar sa Pilipinas tungkol sa kung paano ang paraan nila ng pagluluto. Anila, bawat region daw ay may kanya-kanyang masterpieces - pasarapan sa pagluluto ang labanan! May mga sariling version ang bawat regions ng mga panibagong pagkain, pero may mga nag-i-stand-out pa rin! Ilan pang mga pagkaing Pinoy na tinalakay sa libro ay adobo, lumpiang shanghai, pansit (noodles), bibingka, at lechong baboy. Isinulat pa nga ng mag-asawa na pwedeng maging national dish ng Pilipinas ang "adobo" dahil alam ng maraming Pinoy ang pagluto nito, bukod pa'y ang masarap na paghahanda at kanya-kanyang pagpapasarap pa sa lutuing ito.

Gayunpaman, hindi raw lahat ng pagkaing Pinoy ay bagay ng magkaroon ng "version" nito sa ibang bansa. Ang original, the best pa rin! Marahil hindi maaaring alisin yung "uniqueness" ng mga pagkaing Pinoy. Mahirap daw ilarawan kung paano ihanda at lutuin ang mga sangkap na gagamitin sa isang putaheng Pinoy. Kasi, tanging mga Pilipino lang ang nakakaalam kung paano. Pumunta ka muna sa Pilipinas at maging isa ka munang Pilipino bago mo matikman ang tunay na sarap ng adobo, kare-kare, mechado, pansit bihon, batchoy, tinola, arroz caldo, lumpia, lechong baboy, pusit, tinapa, bangus, danggit, longganisa, dinuguan, puto, bibingka, chicharon, sinigang, bagoong, chiffon cake, leche flan, cheese cakes, barbecue, sauces, soups, at marami pang ibang katakam-takam na Pinoy dishes!

Iba-iba man ang lasa at paraan ng pagtanggap ng ibang bayan sa pagkaing Pilipino, hindi pa rin naman mawawala ang pagkaing nagbubuklod sa bawat pamilyang Pilipino sa hapag-kainan. Lalo na kapag masarap ang ulam na specialty ni nanay, siyempre sabay-sabay kakain ang pamilya! Sasamahan pa minsan ng desert at refreshers! Kaya hindi man makilala sa ibang lugar ang pagkaing sariling atin, at least ito naman ang simbolo ng ating pagiging Pilipino. Nando'n pa rin yung mga ngiti sa labi at kilig na nararamdaman tuwing kumakain ng maasim na sinigang na baboy, humihigop ng mainit ang malinamnam na arroz caldo, at tsumitsibog ng paboritong kare-kare with special bagoong.

Chicken Adobo, isa sa mga paboritong Filipino cuisines.
(Photo from Wikipedia)
(Nais kong magpasalamat sa article ni Sara Dickerman, bilang reference ko sa pagsulat ng entry na ito.)






The hottest stories delivered in your inbox!

Posted by Reyn Adonay at 5:27 PM


Facebook Comments

blog comments powered by Disqus