Friday, November 23, 2007

Bentong

Payat na payat.


Maitim.


Malamlam ang mga mata.


Manipis ang buhok dahil sunog na sa araw.


Marungis.


Uhugin.


Mabaho.


Kaawa-awa.


Nang minsang magawi ako sa Manggahan para bumili ng electric wires na gagamitin sa isang school experiment, napansin kong panay ang buntot sa'kin ng isang bata. Mga edad 10, may dala-dala pa 'tong plastic ng palamig na laman ay mga sago.


Ako pa naman ang taong ayaw na ayaw sa mga stalker-type na tao, mapa-matanda man o bata. Dahil dito, binilisan ko ang paglakad. Lumusot ako sa paliku-likong daan sa palengke. Nang makutuban kong wala na ang mumunting mga yabag na kanina pang sa aki'y sumusunod, 'tsaka ako nagkaroon ng kapayapaan ng isipan. Nawala ang kaba ko. Nawala ang mga pag-aalala ko.


Sa dami ba naman ng mga taong nagtangka na ako'y lokohin - yaong mga taong bigla na lang kumakausap sa akin habang ako'y naghihintay ng masasakyan o kaya'y naglalakad sa daan, na mula sa pagtatanong kung may nakita raw akong ganito at ganon ay mauuwi ang pag-uusap sa pag-aalok sa akin na sumama sa kanila - nadala na ako.


Sa isang banda, natameme ang aking pagkatao. Stalker. Bata. Bata lamang ang stalker ko. Ano'ng masama ang magagawa sa akin ng isang batang sa isang ihip ko lang ay mapapatumba ko na?, naisip ko sa sarili. Naliwanagan. Ah, kahit na, mas mabuti nang sigurado sa aking kalagayan. Pagtatanggol ko sa sarili. Nagpasya akong tutal wala na naman ang bata'y magtungo na sa bilihan ng mga electric wires.


Wala pang half-turn ang naiikot ko'y tumambad sa akin ang mukhang kinainisan ko. Kinatakutan. Ang bata! Nasa harap ko na ang bata! Gusto kong tumakbo palayo. Gusto kong saktan ang bata. Naiinis ako. Nagagalit. Pero hindi. Hindi nang lumingon ako sa mga binti ng bata. Dumudugo. Sugatan ang kanyang mga binti. Ah, hindi lang ito basta sugat. Tila isang sakit na. Inaagnas na ang kanyang mga binti. Sa ganoong posisyon nami'y kinamot ng bata ang nakadidiri niyang binti. Sabay kamot sa ulo. Nakita ko ang dugo mula sa kanyang binti na dumikit sa kanyang manipis na buhok. Nagkulay-pula ang bahagi ng kanyang kulay-tansong buhok.


Sa takot ko, sa pagkabahala ko, kumaripas ako ng takbo na tila nakakita ng isang multo. Ah, masahol pa sa multo, ang sabi ko sa sarili ko. Nakalimutan ko na ang dapat kong gawin. Nakalimutan ko na ang dapat kong bilhin. Ang nasa isip ko lamang ay ang sarili ko, at ang bata...


Sa bilis ng takbo ko'y tiyak akong malayo na ako sa bata. Sa marungis na bata. Sa nakadidiring bata. Habang tumatawid ako ng overpass ay naiisip ko pa rin ang bata. Ang kanyang hitsura, ang kanyang anyo, ang kanyang sugat. Diretso ang aking lakad. Diretso ang aking tingin. Gusto ko nang makauwi ng bahay ng mga oras na iyon.


Sa liwanag ng papalubog na araw, sa kumpol ng mga taong nagdaraan, sa busina ng mga naglalakihan at nagsisigaang sasakyan, sigaw ng isang ale ang gumulantang sa isang naging kakaibang hapon para sa akin. Sigaw na bumulabog sa lahat. Bumulabog sa kahit sinong mamamayan. Bumulabog sa aking puso. Bumulabog sa aking isipan.


"Bennn-tooooonnnnggggggg!!!!!"


Nakita ko'y isang bata. Naka-handusay sa daan. Isang bus ang nakatigil sa gitna ng daan. Nagbabaan ang mga pasahero ng bus. Nagkumpulan ang mga tao. Nagka-buhol ang trapiko.


Ang bata. Ang marungis na bata. Ang kinainisan at kinatakutan kong bata. Siya ang nakahandusay. Siya ang nasagasaan. Siya ang wala nang buhay.


Siya...si Bentong.




Poot sa sarili at sa katotohanan ang naramdaman ko.


Sa sarili dahil 'ni sa isang pagkakatao'y hindi ko hinarap ang bata. Ang bata na marahil ay manghihingi lamang sa akin ng kaunting barya. Ng kaunting ligaya. Upang may maipanlaman sa kumakalam na tiyan. Upang may maipansiksik sa gulung-gulong isipan.


Sa katotohanan dahil tumambad sa akin ang mukha ng isang mahirap na komunidad. Isang komunidad na pinagkaitan ng karapatang lumigaya at magtamasa ng kaginhawaan.


Umuwi ako nang luhaan. Lubos na kalungkutan ang naramdaman ko ng mga panahong iyon. Ngunit sa isang banda, nagbigay ito sa akin ng isang mabuting aral.


Ang pagmamahal sa kapwa.



[Note: A story of fiction. Photo was taken from here.]







Facebook Comments

blog comments powered by Disqus