Tuesday, July 15, 2008

Tren ng bayan

MRT ang lagi kong sinasakyan papasok at pauwi galing office sa Mandaluyong, tulad ng ilan pang mahigit sa 400,000 na pasahero nito araw-araw. Sa mahal ba naman ng pamasahe, mas pipiliin ng mga tao ang mas mabilis na't mas mura pang transportasyon. Yun nga lang, siksikan lagi. Ang pasok ko pa naman, 9am, tapos ang dating ko dapat mula sa Quezon Avenue station ay mga 8am - 8:20am (para hindi ma-late). Peak hour na yun pagdating sa pag-load ng mga pasahero. At dahil peak hour, siksikan, mainit, may tulakan, may sigawan...


"Oh wala namang tulakan!!!..."


"Teka lang nakikita n'yo namang may lalabas pa eh papasok na kagad kayo!!!..."


"Ang Pilipino nga naman!!! Kaya hindi tayo umuunlad eh..."


"P*#@$@# naman eh, bakit mo 'ko sinasandalan?!..."


"Kuya, aray naiipit akoooo!!!!!..."


"Ugh...agh....grrrr...."



MRT: ang tren ng bayan


Para sa'kin, kalbaryo araw-araw ang pagsakay ko sa MRT. Ang pabango na ini-spray ko sa buong katawan, magiging 'pabaho' dahil sa pawis. Ang damit na plinantsa ko pa naman ng ilang minuto, magugusot lang dahil nga siksikan. Pero kung sa aki'y maituturing lang na 'mababaw' na mga dahilan ang pagtaguri ko sa pagsakay sa MRT bilang isang kalbaryo, malamang hindi para sa iba. Hindi maiiwasan ang mga taong mapagsamantala. Nariyan ang mga mapagsamantala at mandurukot. Nahirapan ka na nga sa pagsakay, nadukutan ka pa. Hindi pa naman ito nangyari sa akin ('wag naman sana) pero sigurado akong marami nang nabiktima ng mga may masasamang-loob.


Kalbaryo mang maituturing, may mga pagkakataon naman habang nakasakay ako sa MRT na umaagaw-eksena sa akin pati na rin sa karamihan ng mga pasahero. Isa na rito ay ang mga pasahero sa Araneta-Cubao station. Mula Quezon Avenue, babagtas pa ang train sa Kamuning station bago makarating ng Araneta-Cubao station. Eh kung sa Quezon Avenue ay halos puno na ang train dahil sa mga pasaherong naunang sumakay sa northern terminal na North Avenue station, halos wala na talagang space para sa mga sasakay sa Cubao station. Eh sa station pa naman na 'yun pinakamarami (para sa'kin) ang mga pasaherong sumasakay, kaya ang iba, sobrang pagsisiksik na talaga ang ginagawa makapasok lang. Kaya ang manong na nasa loob na, todo-daldal sa mga pumapasok pa rin kahit wala na talagang puwesto. Ang ending - ang halos walang-katapusang murahan ng manong na nasa loob, at manong na nasa labas (na hindi nakapasok, at pinagtatawanan ng mga tao sa loob ng MRT habang umaalis ang train).


Star na si MRT ngayon. Dinudumog. Pinagkakaguluhan. Pinag-aagawan. Pinag-aawayan. Kapag bumaba na ulit ang presyo ng langis, baka magbalik-loob ulit ang ilan sa dati nilang transportasyon.


Pero kailan kaya yun?







Facebook Comments

blog comments powered by Disqus